Valenzuela City Science High School
A. Marcelo Street, Dalandanan Valenzuela City
Foot Binding
(Cultural Issue)
Ipinasa ni:
Jonas B.Pira
Ipinasa kay:
Bb.Edna Lucañas
Petsa:
Pebrero 24, 2009
Footbinding:(Cultural Issue)
Lahat ng tao ay nilikha ng Diyos ng pantay pantay.Ang bawat isa ay binigyan ng mga natatanging kakayahan sa iba’t ibang larangan,may kani-kaniyang mga lakas at talino at mayroon din namang mga kahinaan.Sa panahon ngayon masasabing nakamit na ang pagkakapantay pantay sa lipunan.Nagagawa na ng mga kababaihan ang ilang mga bagay na ginagawa ng kalalakihan gaya ng pagboto,paghalal sa pwesto sa pamumuno ng bansa at marami pang mga bagay.Ngunit ang mga senaryong ito ay taliwas sa nakaraang lipunan hindi lang sa Asya maaaring maging sa iba pang panig ng mundo.Mababa ang pagtingin sa mga kababaihan noon.Sinasabing ang mga babae ang nagbabawas ng kaban ng pamilya samantalang ang kalalakihan ang nagdadagdag nito.Ito ay dahil ang mga lalaki ang nagtatatrabaho samantalang ang mga babae ay nasa bahay lang.Sa pisikal na aspeto tunay ngang mahina ang babae kumpara sa lalaki.Ito ang kaisipang nangibabaw sa ilang mga Asyano kaya naging mababa ang pagtrato sa mga kababaihan.Makikita sa Limang ugnayan o relasyon ng Confucianism ang higit na pagpapahalaga sa kalalakihan.Sa India, kasamang sinusunog ang asawang babae kapag namatay ang asawa nito (sati o suttee).Ito ay bilang tanda ng katapatan at pagmamahal ng babae sa kanyang asawa.Sa mga Muslim,ang mga babae nagsusuot ng burka,isang maluwag na damit.Naniniwala sila na tanging ang asawa lang ang maaaring makakita sa babae.Sa Tsina,pinakamahalagang tungkulin ng babae ay magluwal ng sanggol lalo na ng mga lalaki.Kung ang isang babae ay isang baog o walang kakayahang magluwal ng sanggol,maaari itong maging dahilan ng diborsyo o paghihiwalay ng mag-asawa.Isa pa sa kilalang gawi sa mga babae ay ang footbinding sa Tsina.Dito nakasentro ang pagtalakay sa pag-aaral na ito.Ito ang ilang sa kultural na isyung pumapaksa sa pagiging mababa ng kababaihan.Layunin ng pag-aaral na ito na ilathala at ipakita ang kalagyan ng mga babae sa pagsasailalim sa footbinding bilang pagsasagawa sa kanilang kultura.
Ano ba ang footbinding?Anoang kinalaman nito sa kultura?Kailan ito nagsimula?Paano ito isinasagawa?Ano ang dahilan kung bakit ito ginagawa?Ito ang ilan lamang sa mga mahahalagang tanong na makatutulong upang mas maunawaan ng mabuti ang paksa sa pag-aaral na ito.
Ang footbinding ay ang mahabang proseso ng pagbabali ng arko ng paa ng mga babae upang hindi ito lumaki ng normal.Ang mga paang ito ay tinatawag na lotus feet o lily feet. Mahabang proseso ito dahil ito ay sinisimulan sa edad na tatlo at patuloy na nakabalot ang mga paa habang ito’y nakasuot sa masisikip na sapatos hanggang sa kanyang pagtanda.Malaki ang kinalaman nito sa kultura dahil ang gawaing ito ay isang tradisyon at pasalin salin sa pagdaan ng mga panahon.Kung ating babalikan,ang kultura ay nangangahulugang mga gawi o kaugalian, tradisyon,paniniwala,paraan ng pamumuhay at iba pang mga gawain na kilala sa isang lugar o bansa.
Tinatayang nagsimula ang gawaing ito sa panahon ng Dinastiyang Sung (960-1278) at nagtapos sa panahon ng Dinastiyang Manchu (1644-1911). Humigit kumulang sa isang libong taon ang haba ng pagsasagawa ng footbinding sa China.Para sa mga Tsino at Tsina ang pagkakaroon ng lotus o lily feet dulot ng footbinding ay hindi isang paraan ng pagwasak o pagsira sa kanilang mga paa.Mahirap intindihin kung bakit nila ginagawa ang ganitong klase ng gawain.Pero para sa kanila ang pagkakaroon ng lotus feet dahil sa footbinding ay sumisimbolo sa moralidad, pagkakakilanlan,pagkababae at higit sa lahat ay kagandahan.Dahil dito maraming teoryang lumabas ukol dito.Una,ang babaeng may lotus feet ay madaling makakahanap ng kanyang mapapangasawa.Kagandahan para sa mga Intsik ang sinisimbolo nito kaya hindi nakapagtatakang madaling makahanap ng mapapangasawa ang sumailalim sa footbinding.Para sa mga Tsino,ito daw ay pagtugon sa kahilingang pang erotiko ng mga kalalakihan.Pangalawa,ang babaeng may lotus feet ay walang kalayaan.Ang mga babae ay hindi nakakalabas ng kanilang bahay dahil sa kanyang kalagayan.Patunay na rin ito upang sabihin na ang babae ay hindi nagtatrabaho,sila ay nasa bahay lang at sinusuportahan ang asawa at mga anak.Sa lipunang Tsina sinasabing ang mga babae ay unang pinangungunahan ng kanilang ama,kung sila’y makapag-asawa,sila naman ay pangungunahan ng kanilang asawa at sa huli ay ang kanilang mga anak na lalaki.Sa mga teoryang ito isa lang pinapakita ng mga ito,ang pagiging mababa sa lipunan ng mga babae.Bagamat madali kang makakahanap ng mayamang mapapangasawa,matinding hirap naman ang matatamasa para makamit ito.Ang sakit na dinanas ng mga kababaihan ay hindi basta-basta.Kahit maghilom man ang sakit ng kanilang mga paa dahil sa footbinding ang karansan na kanilang nakuha sa pagtrato sa kanila bilang mababang antas sa lipunang Intsik ay hindi mawawala.
Ito ang kalagayan ng mga babae sa lipunang Intsik.Mababang mababa ang tingin sa kanila.Kailangan nilang sundin ang mga kalalakihan.Dumako naman tayo sa proseso ng pagsasagawa ng footbinding.
Ang foot binding ay isinasagawa upang maging maliit ang mga paa.Ang mga daliri ay pinupwresang itinatali malapit sa sakong.Ito’y sinisimulan sa edad na tatlo hanggang anim na taon dahil ang mga buto nito ay malalambot pa kaya madaling ihugis sa lotus sa proseso ng footbinding.Sa tradisyonal na pamamaraan,una nilinis muna ang mga paa kasama na dito ang pagputol ng mga kuko.Pagkatapos ilulublob ang mga ito sa maligamgam na tubig o hindi kaya sa tubig na may mga medisinal na halaman at minsan ay may kasamang dugo ng mga hayop.Ginagawa ito upang maging malambot ang mga laman sa paa para mapadali ang paghulma.Minamasahe muna ito pagkatapos ay ibabalot na sa koton na tela na may haba ng 7-9 na talampakan at may lapad na 3-5 pulgada.Ang karaniwang gumagawa nito ay ang nakatatandang babae sa pamilya o hindi kaya isang dalubhasa sa pagsasagawa ng footbinding.Binabali ang mga daliri sa paa maliban sa hinlalaki at ito’y nilalapat sa talampakan malapit sa sakong.Matapos nito ang buong paa ay idederetsyo kahanay ng mga binti.Mariin itong itatali ng tela at pagkatapos ay tatahiin ang dulo upang maiwasan ang ang pagkatanggal.Susuotan ang mga ito ng sapatos na gawa sa telang silk para sa mga mayayaman at telang koton naman para sa mahihirap.Ang laki ng sapatos ay hindi lalagpas sa tatlong pulgada. Ito ang perpektong laki ng mga paa.Ang mga paang ito ay tinatawag na “Golden Lotus”.Ang prosesong ito ay inuulit.Para sa mayayaman isang beses sa isang araw at sa mga mahihirap ay tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo.Pinapalitan nila muli ang telang ginamit para maiwasan ang impeksyon.Kasama na rito ang maingat na paglilinis sa mga paa at kuko.Mabilis lang ang paglilinis na ito.Pagkatanggal ng tela ay maingat itong huhugasan at babaliin muli ang mga daliri sa paa upang mas lumiit pa ang mga ito.Sa bawat pagpapalit ng tela lalong hinihigpitan ang pagkatali nito.Matapos hindi agad-agad pinagpapahinga ang babae,sila’y palalakarin pa sa malayong distansya upang ang bigat ng katawan ay mapunta sa paa at masanay ang mga ito sa pagkabali.Ang pagsasagawa ng footbinding ay karaniwang ginagawa sa panahon ng taglamig para hindi ganun kasakit ang mararanasan ng babaeng sasailalim dito.
Maraming epekto ito sa kalusugan kung hindi magagawa ng tama.Hindi lang sa pisikal na pagkasira ng isang parte ng katawan kundi pati na rin sa pag-iisip.Maaaring mamaga hindi lang ang mga paa kundi pati na rin ang “lumbar”;grupo ng buto sa bandang ibaba ng gulugod.Ito’y dahil ang bigat ng katawan ay hindi kayang suportahan ng mga paa kaya ang mga balakang at gulugod na lang ang nagpapanatili ng balanse.Dahil sa palaging paggamit nito humihina ito kaya naaapektuhan ng malaki ang buong katawan.Ang pagyuko at pag-iskwat ay napakahirap para sa mga may lotus feet.Kaya pahirapan para sa kanila ang pagdumi.Kalyo ang isa pang problemang kinahaharap ng mga babae.Paika-ika maglakad ang mga babaeng sumailalim dito ngunit sa pagdaan ng panahon ang ilan ay nasasanay na.Humahaba pa rin naman ang mga daliri ngunit papasok o pabaluktot patungong sakong.Maaring mawala ang mga daliri sa paa at maaari ring magdulot ng pagkamatay kung hindi naging tama ang proseso.Ang hindi sapat na pagdaloy ng dugo sa paa ay maaaring magdulot ng “gangrene” o pagkabulok ng mga laman sa katawan.May mga namamatay din dahil sa hindi tamang paglilinis at pagbalot ng mga paa.Nakakaapekto din ito sa buwanang dalaw ng mga kababaihan.Ang pagtatagumpay sa pagsasailalim sa footbinding ay nakasalalay sa tamang paglalagay ng tela at tamang paglilinis.
Napakatinding hirap ang dinanas ng kababaihan noon.Kailangan pa nilang gawin ang mga bagay na ito para makahanap ng asawang naka-aangat sa buhay.Ginagawa nila ang mga ito dahil sa kagustuhan ng kanilang mga magulang lalo na ng kanilang ama.Wala naman silang magagawa para tumanggi dahil ang tingin lang naman sa kanila ay mababang uri.Mabuti nalang at nahinto na ang gawaing ito.Hindi nagustuhan ng mga Manchu;barbarong grupo sa hilaga ng China,ang gawaing ito.Tinangka nilang ipagbawal ang pagsasagawa ng footbinding ngunit hindi sila nagtagumpay.Nang dumating ang mga misyonero pagkatapos ng digmaang Opyo,naging simbolo na lang ng karahasan at hindi kagandahan ang footbinding.Sa kabila nito marami pa rin sa mga Tsino lalo na ng mga kalalakihan ang gusto ang foot binding.Ngunit taliwas naman ito lalo na sa mga kababaihan,ayaw na nilang maghirap pa.Maraming mga samahan ang nabuo na may layuning ipatanggal na ang footbinding.Pinangungunahan ito ng mga magulang.Dahilan nila,ang mga mamamayan ng ibang bansa na hindi nagsasagawa ng footbinding ay nakakapamuhay ng normal.Ito ang gusto nilang mangyari sa kanilang bansa.Isang nasyonalismong grupo ang tinatag ni Dr.Sun Yat-Sen.Layunin nito na ihinto at tanggalin na ng tuluyan sa lipunan ang footbinding.Nais niyang mapalaganap ang pagkakaisa at pagkakapantay pantay kaya niya tinatag ang samahang ito.Tuluyan nang nahinto ang footbinding noong 1911.Ngunit mayroon pa ring mga Tsino ang nagsasagawa nito bilang pagtugon sa kanilang kaugalian at kultura.
Ang footbinding ay isang tradisyong nagwakas sa loob ng isang libong taon.Mabuti na lang at natigil na ang gawaing ito.Nagkaroon na ng pagkakapantay pantay.Nasabi ko ito dahil na rin sa nasasaksihan ko sa aking kapaligiran sa kasalukuyan.Mayroon ng mga babaeng nakakaboto at naiboto.Sa katunayan,marami na ring mga babae ang nagtagumpay sa pamumuno sa bansa.Dumarami na rin ang mga babaeng nagtatagumpay sa iba’t ibang larangan tulad ng sining,musika,literatura at marami pang iba.Ganyan naman talaga ang dapat mangyari,pantay ang lalaki at babae sa anumang bagay.
Bilang paglalagom,masalimuot ang naging karanasan ng ilang kababaian hindi lang China maging sa iba pang panig mundo sa kanilang pamumuhay sa lipunang kanilang kinabibilangan.Naging mahirap ang kanilang pinagdaan para makamit ang kanilang kasalukuyang antas sa lipunan;ang pagiging pantay sa mga kalalakihan.Isa na ngang patunay dito ay ang footbinding.Ang mga pagsubok na ito ay nakatulong pa sa kanila para maging matatag sa anumang problemang kakaharapin.Ang footbinding ay hindi natin masasabing magandang gawain at hindi rin naman isang pangit na gawain para sa mga Intsik.Masasabi lang natin kung ito ba ay tama o mali kung nasubukan na natin ang ganitong klase ng proseso.Para sa mga Intsik at iba pang nasyonalismo na nagsasagawa ng footbinding,ito pa rin ay isa sa kanilang mga tradisyon na kinikilala at ginagalang ng maraming tao.